Posted by: shyne17 on: May 31, 2009
Sabi ng aming guro noon, ang mga Pilipino ay mayroong malalang sakit, ang Plaza Complex.Ito ay ang ugaling Pilipino na ipagmalaki ang mga bagong kasangkapan, ang mga magagandang katangian, at kunga anu-ano pang pwedeng ipagmalaki sa ibang tao sa “Plaza”.
Sa tingin ko, ang bagong katumbas ng Plaza ngayon ay ang Mall. Halimbawa, sasabihin ng isang kaibigan na may nobya na sya, ang itatanong ng ibang kaibigan ay eto: “Pwede ba naman syang ipasyal sa mall?”. Hindi man lang muna tatanungin kung mahal ba talaga ng kaibigan nila, kung mabait ba etc., ang importante, pwedeng ipasyal sa mall.
Ang mga bibilhing damit ay yong branded, at ang pipiliin na damit ay young may mga nakasulat na Jag, Kamiseta, Lee, Gucci, at kung anu-ano pang brand ng damit sa harap. Ito ang isinusuot sa mga reunion at kung anu-ano pang mga kasiyahan para daw sabihin na ikaw ay sosyal o umasenso na.
Sa isang banda, wala ni isang Pilipino ang nagsusuot ng barong o baro’t saya sa araw-araw, maliban na lamang kung patay ka na at nasa kabaong, abogado ka, o costume iyon sa isang pagtatanghal.
Pagdating naman sa ating mga bahay, lahat ng magagandang gamit ng bahay ay nasa sala o di kaya sa kusina, kahit saan, basta mayroong mga bisitang makakakita. Ang mga porselana at mamahaling pinggan ay nakalagay sa aparador at nakasalamin para makita talaga. Habang ang gagamitin sa ordinaryong mga araw ay iyong mga mumurahin lamang.
Mayroon ding mga bahay na naglalagay ng mga sirang gamit sa sala kahit pa sira na ito. Mga grandfather clock, mga makinilya, o telebisyon- lahat, ilalagay parin basta maganda tingnan, kahit pa hindi na ito gumagana.
Isan pang kalokohan na ginagawa ng mga Pilipino ay ang paglalagay ng mga medalya, diploma, trophy ay kung anu-ano pang nakuha ng kanilang mga anak sa paaralan. Hindi lamang yon, lahat ng ito ay dapat naka laminate, para sosyal na naman.
Meron ding mga pamilyang mayroong mga album na nakalagay sa ilalim ng mesa doon sa sala. Sa mga litratong iyon makikita ang mga napuntahan nang lugar ng mga miyembro ng pamilya. Sisiguraduhin din muna ng mga maybahay na ang mga larawan na nandun ay iyong mga sosyal lamang at maipagmamalaki. Ang mga nakakahiyang litrato ay nasa loob ng kwarto, nakatago.
Dahil mahirap magkaroon ng mataas na antas sa Plaza, maraming mga Pilipino ang nagkakaroon ng mas malalang sakit na kung tawagin ay crab-mentality. Ang crab-mentality ay sakit ng mga taong gusto talaga ng posisyon sa Plaza, at ayaw nila sa mga taong mas nakakataas sa kanila.
Naipaliwanag noon ng aming guro na marahil itong Plaza Complex ay nag-ugat sa ating pagsasailalim noon sa mga Espanyol. Dahil dito, maraming mga Pilipino ang gustong maging katulad ng mga Espanyol, mapuputi at may maipagmamalaki. Bagamat matagal na tayong malaya mula sa kanila, ang mga tradisyon ng mga ninuno ay hindi nawawala sa ating mga modernong Pilipino.